
Gawa-gawa kong quote #3: Ang maging masaya sa tagumpay ng kaibigan ay isang magandang katangian, subalit ang manatiling masaya para sa kanya habang ikaw ay nasa kabiguan? Dyan pare, dyan tayo magkakasubukan.
(May naisip na mas magandang quote para sa paksang ito? Salanguhitan ang nakakainis na bahagi tapos palitan ng mas magandang quote. Babala: Bawal ang ‘Time is gold.’ at ‘Love is blind’.)
Galing ako ng simbahan, at nakasabay ko dun ang kaibigan kong si BGG, may trabaho na daw sya at again may isa na namang tambay na nawala sa lipunan. Tila gumuganda na ang kapalaran ng bansa ah. Natanggap daw syang nurse sa isang hospital. At syempre masaya ako para sa kanya. Nakasalubong ko naman nung isang araw ang childhood friend ko na tatawagin kong Miss Interpret sa isang branch ng SM sa Pilipinas. At ayon nagkwentuhan kami, nagbiro ako na ilibre nya na lang ako ng pamasahe at nung somehow napapayag ko sya, best day ever! Tipid. May trabaho na rin daw sya sa isang call center company. At syempre masaya ako para sa kanya.
Habang patuloy sa pag-andar ang bus na sinasakyan namin, walang tigil naman sa pagbabaliktanaw ang aking munting isipan. Isa akong nilalalng na may kakaibang takbo ng isipan at wirdo ang mga trip. Napansin mo na ba? Hindi pa rin? Sige, balikan ang mga nakaraang pahina. Pagnilayan ang tanong na ito: Kaya ba itong isulat ng normal na isipan? Syempre kaya, lalo na kung wirdo.
Okay, back to my point. Wirdo ako. Hidi ako nagdidiary pero meron akong mga MARI: NOTES TO SELF, kung saan sinsulatan ko ang sarili ko ng mga liham pagtrip ko, at meron din akong compilation ng short bond papers na nakaclip at nakatago sa drawer. Ang compilation na ito ay may pamagat na: ANG MGA PANGARAP KONG CHORVA, kung saan nakadrawing (madalas) o nakasulat (minsan) ang mga pangarap ko in life. Higit sa lahat ang high light ng kwarto ko ay ang gawagawang corkboard mula sa styro kung saan pinagdidikit ko ang mga kung ano-anong bagay. At kamakailan lang dinikit ko dito ang aking short prayer.
Syempre ng sinulat ko ito may hang-over pa ako ng borad exam, kaya ayun gumawa ako ng short prayer at nilista ko dun ang pangalan ng mga kaclase ko. Everyday, paggising ko, as in pagmulat ng mata, bago magmumog (baka mas effective kasi kapag sobrang literal na kagigising mo lang ikaw nagpray. Mga desperado nga naman.) dinarasal ko yung gawa gawa pero sobrang I mean it po na prayer. Bawat araw, may isa akong kaclase na pinagdarasal (Alphabetical order ito ha. Walang favoritism), maliban sa sana makapasa/magtop sya, mayron akong mga prayers na gaya ng mapatino na po sana sya ng girl friend nya, sana po maisip nya na boys are friends not food, sana po maging legal na sila at maisip ng mga nagmamahal sa kanila that they are good for one another or sana po, sana po magkaroon na siya ng magandang trabaho.
At ayun na nga, masaya ako at nagkaroon ng katuparan ang ilan sa mga dasal ko, pero syempre hindi mo naman maiiwasang maikumapara ang sarili sa iba. Sabi nga ng isa sa mga kaibigan kong minsan ng nangakong gagawin akong MC sa binyag ng ikalima niyang anak: “Actually, we are contented of who we are, until we are compared.”
Stop. Bago ang lahat magkalinawan tayo, alam ko namang hindi ang dasal ko ang dahilan kung bakit may maganda ng kinabukasang naghihintay ngayon sa kanila, alam ko rin na ang lahat ng iyon ay dahil sa mga sarili nilang mga pagsusumikap. Kaya nga masaya ako para sa kanila. Hindi dahil sa may trabaho na sila, kundi dahil sa nagawa nila iyon sa pamamagitan ng mga sariling kakayahan. Para kasi sa akin ang kakayahang tustusan ang sariling mga pangangailangan ay isa sa mga kinakailangan para masabi mong, OO, this time hindi na ito pagpapangap o kunyariang pagganap lamang, dahil ngayon, ADULT NA AKO.
Kaya naman, kapag naiisip ko ang tagumpay na narating nila nalulungkot naman ako para sa sarili ko. (ito na ang moment ko para mag self pitty, walang kokontra.) Pero syempre pa, hindi rin naman nagtagal ang pagsesenti kong ito dahil alam kong ang tanging hadlang lamang tungo sa mga pangarap ko at kung nasaan ako ngayon ay ang aking sarili. (Note to self: Tamad ka kasi Mari)
Katamaran, ito lang ba ang dahilan??? (Tutunog ang malakas na ‘eng-eng’ at biglang magmamarka ng kulay pulang ekis sa ere). Sinabi ng sarili di ba? Sinisisi ko ba ang sarili ko? Hindi, masyado kong mahal ang sarili ko para gawin iyon. Ano ngayon ang gusto kong sabihin?
Para sa paglilinaw, basahin maigi ang mga sumusunod, subukang huwag malito, okay?
· Kung nasaan ka ngayon, kung saan mo gustong makarating, at ang daang tatahakin mo patungo rito, ang hadlang lamang diyan ay ang iyong sarili, sariling kahinaan, karanasan, kaisipan at paniniwala.
· Sa bawat pag-subok na darating o kahit simpleng pagkakataong makakaharap, ang maari mong maging kalaban ay ang pagdududa sa sarili. Kakayin mo nga kaya ito? Paano kong hindi mo kaya? Paano kong magkamali ka? Haharapin mo rin ang sariling takot: Takot sa bagong karanasan, sa mga gawaing hindi mo naman naksanayan.
Naantig ka bas a bullet #2???
Sige basahin ang payo ni Itay key Mari:
Mula sa iyong sariling tahahanan,
Sa Malayong Isla ng Pilipnas
Anong Petsa na?
Dear Mari,
Ang pagbabago anak sa buhay ng tao ay parang cell phone. Tanda mo nung una 5110 ang cell phone mo? Yung 5110 with the antenna and all, na naka monotone at snake lang yata ang laro doon. Black ang white pa yan, walang GPRS, walang blue tooth, walang camera, ang tanging kaligayahan lang yata dun eh pwede mong palitan ng housing, lagyan ng key chain at gawing blue ang back light. Akalian mong 5110 na lang takot ka pang gamitin.
Ganyan ang mga pagsubok at pagbabago sa buhay, parang cell phone, nakakatakot, nakakapanibago, pero pag nasubukan mo na, nagamay mo na, balewala na lang. Akala mo mahirap, yun pala kayang kaya mo naman. Kita mo nga ngayon pati cell phone ng nanay mo at kapatid mo, pinapakelaman mo. (Namamakaawa na yung isa tantanan mo na daw cp nya ha.) Pag kinompara mo yan sa totoong buhay, di maglalaon anak, ikaw pa ang maghahamon sa mga pagbabago ng “Sige, subukan mo ako.” Smiley.
Love,
Itay. tsup. (may marka ng lipstick.)
Nakalipstick ka itay???
- Kapalaran. Tadhana. Ang mga ito ay mga kaisipan at paniniwala na sinasabing may hawak ng kinabukasan ng isang tao. Habang ang iba naman ay naniniwala na ikaw ang gumagawa ng sarili mong kapalaran. Ang sa akin naman, pwede ring both. Gawin mo ang sarili mong kapalaran tapos isipin mo na rin na tadhana mo iyon. Isipin mong sa iyo ang tagumpay, gawin mo ang lahat para dito. The next thing you know, naroon ka na sa gusto mong puntahan.
Therefore:
Kung nasaan man ako ngayon, ang kawalan ko ng hanapbuhay at ang tila pagkaipit ko sa pagitan ng mundo ng mga bata at mundo ng pagiging ganap na mamayan ng bansa ay dahil sa katotohanang wala pa akong lakas ng loob na baguhin ang ano mang nagyayari sa akin ngayon, o ang maging driver ng sarili kong buhay. Mas nasisiyahan kasi akong maging pasahero lamang at dalhin kung saan man ng agos. Muli, sinisisi ko ba ang aking sarili? HINDI. Wag mo ng masyado pang sisihin ang sarili mo, kawawa naman yan. Kung baga at the end of the day sya pa rin ang kasama mo. Tamang maging bukas ang iyong isipan sa mga maling nagawa, mga pagkukulang subalit wag kalilimutang purihin ang sarili sa mga napagtagumpayang mga pagsubok o ang magagandang katangiang taglay. (Note sa mga nega at may moments din of self pity: IMPOSIBLENG WALA KANG MAGANDANG KATANGIAN, kung yung bamboo tree nga naparangalan dahil sa maganda niyang katangian, kita mo may short story pa yan sa children’s section. Ikaw pa kaya na may rational mind? Yung pagkakaroon nga lang ng logical reasoning pogi/ganda points na, may bonus pa kung talagang pogi o maganda ka. Di ba? )
Ang huli kong alaala ay ang pagfill-up sa application form na medyo matagal na ring nasa akin at as usual… lagpas na naman ako sa dapat kong babaan. Mari talaga oh, parang adik lang. Pero ayos lang, tinignan ko ang aking katabi at ngumiti ako sa kanya. Kasi ngayon, nasabi ko sa sarili, ngayon, oo nga, talagang masaya ako para sa iyo.
*NOTHING FOLLOWS*