
Gawa-gawang quote #2: Ang kabutihan ng pagiging tambay, mas napupuna mo ang detalye ng mga bagay. Ang nakakalungkot nga lang, dahil sa ang pagiging tambay ay kakayahang mas gumagamit ng isipan kaysa paggawa, hindi rin kayang baguhin o punan ng tambay ang nakikitang kakulangan.
(Yes, Mari, ituloy tuloy mo lang yan, parang tunay. Konti na lang baka may mabola ka na.)
Iba talaga ang buhay tambay. Hawak mo ang oras mo, walang meeting na kaylangang puntahan, walang mga gawain na may nakakalokang deadline at walang boss o sinumang santo na kaylangang pakibagayan. Pero kung inaakala mong walang stress at pressure sa pagiging tambay, nagkakamali ka, dahil bilang isang propresyonal na tambay mayroon din kaming mga suliraning kinakaharap.
Nagkaroon ako ng pagkakataong mas tumigil sa bahay ng matagal at manoond lamang ng tv. Hindi ko lang talaga sigurado pero nawiwili akong panoorin ang mga commercials kasi lagi akong may inaabangan. Yung mga diclaimers gaya ng:
*No approve therapeutic claims/effects.
*For visible flakes only.
*If symptoms persist consult your doctor.
Minsan ba napansin mo na ang mga disclaimers na ito? Andun yan sa mga commercials, pramis kross my heart. Kung hindi yan sobrang liit na kulay puti ang font, yan yung biglang lalabas sa itim na background mga tatlong segundo bago matapos yung mismong commercial. Para saan ang mga ito? Ito ay ahm… parang paalala sa mga consumers. Na kung sakali mang hindi mo maranasan ang mabuting epekto ng isang produkto o kung sa tingin mo hindi ka sumexy, pumuti, tumangkad tulad ng inaasahan mo: Wag kang makulit pa at maginarte dyan dahil una pa lang nakalagay ng NO approved therapeutic effects. NO nga di ba, kulit neto.
Pero bakit may bumibili pa rin? Dahil tumalab nga sa iba. Dahil ang nanay ng kapitbahay ng pinsan ng lolo ng kagawad na pamangkin ng kinakapatid ng pinsang buo mo ay sinabing ang kaibigan ng ditse ng lolo ng kuya ng tiyuhin na asawa ng tatay ng pinsan ng inaanak nya ay mayroon ding ganung suliranin at ginamit ang produktong iyon, tumalab sa kanya kaya ayan gamitin mo rin. Sabay smile. Dyan kasi madalas makabenta ng produkto sa pamamagitan ng pagpapatotoo ng mga taong malapit sa iyo o mga taong sikat at kilala, kung sosyal ka maari mo yang tawaging mga testimonials.
May problema ba ako sa mga commercials na ito? Wala. Mabuti nga yung mga may disclaimers ang isang produkto, dahil kahit papaano may ideya ang isang mamimili kung hanggang saan ang kayang gawin ng produktong iyon o sa kung hangang saaan ang pananagutan nito. Kaya nga lang sana talaga nakikita ng nagmamadaling consumers ang mga disclaimers na ito. At sana nga lang talaga naiintindihan ng bawat manunuod ang ibig sabihin ng mga disclaimers na ito. Dahil wala namang problema kung bilhin ng isang tao ang bagay na maibigan niya (kaysa naman ishop-lift nya yun di ba?), lalo na kung talagang alam niya kung ano nga ang binibili niya.
Maliban sa mga commercials nag-enjoy rin akong manuod ng mga cartoons, (sobrag isip bata lang talaga, pasensya na) at saka nahilig din ako sa telenobela o telepantasya ba ‘yun? Ewan, basta may tele okay na iyan. Saka nakahiligan ko rin iyong mga koreanobela, asionobela, japanobela (?) at kung anu ano pang mga series sa t.v. mula sa ibang bansa na dinub sa tagalong na minsan pa di naman nagjijive yung dubbing sa bibig nung artista. Syempre nanunuod din ako ng mga ibang bagay na mahalaga gaya ng laban sa boxing, basket ball at balita.
Nakakatuwa lang talagang isipin, kasi hindi ba ang balita sa english ay news? Wala lang, parang pwedeng plural ng new as in bago, maraming bago. Kaya lang kung minsan ang mga balita parang hindi na bago. Ang ekonomiya, politika, relihiyon, krimen, kabutihang gawa, kung minsan ang mga ito ay parang paulit ulit na konseptong madalas talakayin ng ating lipunan. Ang masarap isipin sa mga konseptong ito lahat nakakarelate, at kapag ito na ang topic ng kwentuhan kahit abutin kayo ng madaling araw di ka pa rin mauubasan ng masasabi tungkol dito. Kung baga, wala ng pulutan at said na ang mga bote ng panulak may topic pa rin kayo.
Yung isang episode sa Mari halika magjob hunting tayo, sinamahan ako ng kaibigan ng tatay ko. Sumakay kami ng taxi, sya ang umupo katabi ng driver at sakto namang may iniinterview si kumpareng Ted sa radyo. Napag-usapan nila yung nangyayaring kaguluhan sa ibang panig ng bansa at ang posibilidad na pagdedeklara ng state of emergency. [ Wait. Magkaliwanagan tayo ha, hindi ko ididiscuss ang state of emergency dito, baka humaba pa ang usapang ito. (Payo: Subukang hanapin ito sa political books o kaya naman hanapin sa google. Okay?) ] Nakakalibang lang talaga, dahil habang pinakikinggan ko ang radyo, bigla namang nagkomento ang kaibigan ng tatay ko, at nagbigay din ng sariling ideya nya si kuya taxi driver. Nakakabilib din naman talaga ang mga pinoy dahil mula sa relasyong driver-pasahero, nagi na silang parang long time friends na nagbibigay ng kuro kuro sa topic na ito. At syempre may naiisip na naman ako, (tila lalabas ang incandescent bulb sa ere out of nowhere tapos biglang magliliwanag sabay tutunog ng “ting”)
Mag-isip. Kung meron mang kakayahang tila nahasa na sa aming mga tambay, ay yan ang kakayahang mag-isip isip at ang makita o mas maobserbahan ang detalye ng mga bagay. (Siguro kasi hindi naman kami masyadong busy in life.) Napansin ko rin ang mga tambay sa labas ng aming bahay na naguusap usap sa mga bagay na binalita sa tv at radyo. Ang porma pala kasi kahit tambay kami abala kami sa isang bagay at yun ay ang pag-iisip. Hanep parang kalevel na namin yung mga unang great thinkers ng lahi ng tao, pwede rin siguro kaming lumebel sa mga philosophers…
ILUSYONADA. Yan lang ang nasabi ng nakababata kong kapatid sa akin ng minsang shinare ko ang kaisipang nabanggit. Sinabi nya ang mga katagang ito (pramis, walang halong edit) “Ate, feeling mo si Hippocrates ka? Ano ka contemporary thinker/philosopher? Tambay ka okay tambay. May pakinabang ang lipunan noon sa mga tulad nila, pero sa panahon ngayon, kung gaganyan ka? Ewan.”
(Malalim na buntong hininga sabay tooth brush ng may buong panggigil sa mga maliliit kong ipin) Oo nga naman. Masyado ng maraming idelohiya ang lipunang ito. Marami ng libro, lathalain, babasahin, kahit nga sa internet nagkalat ng iba’t ibang mga ideya tungkol sa sari-saring bagay. Lahat nagbibigay ng payo kung pano gagawin ang alin. Siguro nga ano, may dalawang natatanging tao sa mundo, yung mga tagapagpaganap at yung mga tagapanood. Ang mga tagapanood, marahil kasama ako dyan, pinapanood ang pag-ikot ng mga tao sa mundo. Nanunuligsa, humahanga, naiinis, nanghihinayang at natutuwa sa mga desisyong ginagawa ng ibang tao. Habang ako ay nanunuod lamang may mga taong piniling ganapan ng buong tapang ang kanilan karakter. Nagkakamali, natututo at higit sa lahat may nababago.
Ang masasabi ko lang pag wala ka lang talagang masyadong ginagawa, talagang mas napupuna mo ang mga detalye ng isang suliranin, ng lipunan halimbawa. Ang mag-isip ng itutuligsa o ipupuri tungkol dito, ang kumuha ng mani at pag-usapan ang dating mga usapin, marahil mas higit na kahangahanga ang lalang na buhay na mas piniling maging tagapagpaganap. Maari ring mas kapupulutan ng aral ang mga babasahing laman ang buhay ng mga totoong tao kaysa ang mga idelohiya at kaisipan na laman halimbawa ng babasahing ito. (Note: Nagsisi ka ba at binasa mo pa ito? Sige kaya mo pa yan, malay mo naman may matutunan ka in the process.)
Sabi sa librong nabasa ko, ang pag-aasam daw ng pagbabago ay mananatiling isang kaisipan lamang o isang politikal na adhikain maliban na lamang kung may isang taong sisimulan ang pagbabago sa sarili. At ayon naman sa text message na nareceive ko ngayon lang (na, by the way mas reliable):
“…Seek to change yourself, not other people. It is easier to protect your feet with slippers than to carpet the whole world.”
Gud morning Mari ♥
No comments:
Post a Comment