Sunday, August 23, 2009

AbaLang TamBay 1

Gawa-gawa kong quote #1: Ang taong natatakot sa katahimikan takot marinig ang bulong ng sariling kahinaan. (Yes, parang tunay. hahaha)

Nang mga unang araw ko bilang tambay, sobrang taas ng energy ko. Syempre excited ako sa ‘new role’ ko dito sa society. Dahil na rin sa ngayon lang ako tumigil sa bahay ng walang inaalala at iniintinding anuman, parang sinisilaban ang paa ko. Gusto kong umalis ng umalis, gumala ng gumala sa mga lugar na hindi ko pa napupuntahan. Nahilig din ako sa wantusawang marathon ng mga Korean at English series. Magbasa ng mga libro (naman, at this time walang kinalaman sa mga gamut o sakit) at syempre sobrang enjoy talaga ako kasi feelng ko nakawala ako sa kural. (Ay, ang halay parang baboy lang). Basta feeling ko malaya ako tapos tutubuan ako ng pakpak. Ang tindi talaga ng level ng energy ko kasi nakumpara ko ang sarili ko sa baboy na tinubuan ng pakpak. Hanep, taob ang X-men.

Tumagal pa ng ilang araw ang ginhawang dama ko bilang isang tambay hanggang sa nagising na lang ako sa kakaibang pakiramdam. Hindi na nagkasya sa akin yung skinny jeans ko. Cute pa naman color yellow, sobrang bagay sa morenang kulay ko. Pagsuot ko nga yun agaw atensyon talaga, ang galing kasi para akong nakahigh light among the crowd. Hindi ko alam kung ang pagsulpot ng natatangi kong fats ang dahilan kung bakit parang medyo nabawasan ang sigla ko. Pero kung ano man yun, parang mabilis akong nanawa sa mga dati kong kinagigiliwan gawin.

Syempre pa, para maibsan ang nadarama kong pagkainip at para na rin makaiwas sa gawaing bahay, nag- “MAGHAHANAP PO KAMI NG TRABAHO MODE” ako at ng ilang kaibigan, na itatago ko na lang sa mga pangalang, Big Gurl Glasses at Miss British Accent. (Tunog sosyal ba? Parehong maton yan) Hindi naman kami talaga close, pero dahil sa kapwa kami mga pinagtagpong tambay ng lipunan, ginaya naming ang karaniwang ginagawa ng tambay at nagsamasama para sa operation busy-busyhan 101.

Nagkitakita kami sa sakayan papuntang MOA, at syempre talagang nakaayos kaming tatlo. Mukha kaming kagalang galang, ginamit na rin namin yung “Opo, mag-aaply kami look”. Kaming tatlo: Magkakaiba kami ng ugali, relihiyon, pananaw sa buhay at katangiang pisikal. Lalo na sa katangiang pisikal, maliit ako at morena, si MBA naman matangkad na mas morena sa akin tapos si BGG naman matangkad na maputi. Pag pinagsamsama nga yung height at complexion naming parang kami yung tatlong unang ninunong nakarating sa pilipinas (indones, malay at ita) ☺ Sa kabila ng pagkakaiba-iba namin, meron din kaming pinagkaparehas, una ang may kapansanan naming tonsils. Pramis, pag gusto mo kaming patayin palulunin mo lang kami ng yelo tapos ng probelma mo. Ikalawa ang matinding pagnanasang yumaman, medyo social climber lang talaga ata kami.

Sa haba ng sinigit kong kewnto tungkol sa amin syempre nakarating na kami sa MOA at dun ko lang nalaman na call center agent pala ang aapllyan namin. Pero okay lang, syempre pag matagal kang naging tambay kahit anong work okay na rin.

Must do for this day:

*Maipasa ang written exam: Passed. Basic English and Math yung exam namin, okay naman, kahit papano may silbi pa pala ang utak ko maliban sa pag-deday dream. Ang mahirap na part lang para sa amin ay yung mga tanong tungkol sa computer. Siguro sa iba basic lang ito, pero para sa akin talagang umikot ang kwadrado kong mundo, malay ko ba namang may ibig sabihin pala ang usb as in U.S.B. (Para kasi sa akin ito ay pagbabagong anyo kung baga sa pokemon as in evolution lamang ng diskette. Ewan.)

*Maipasa ang initial interview: ------ Group yung interview sa amin, lima kami sa bawat batch. First time talaga naming makaranas ng job interview kaya sobrang kabado kami. Hindi ko lang sigurado kung gaano sila kakabado pero ako, parang nagbreak dance ang puso ko sa sobrang kaba. Okay lang naman sa akin ang mapahiya, para namang hindi pa ako sanay dyan. Ang ayoko lang talaga yung mapahiya ka with the live audience. Maganda yung nag-interview sa amin (By the way, mataas ang standard ko para masabing maganda ang isang tao, so maganda talaga sya) at saka masarap pakinggan ang boses nya, siguro resulta ng ilang taon nya bilang agent.

Instruction: Tell me something about yourself that you haven’t written here on your application.

Tatlong mga musmus na batang mega kwento naman about theirselves. Ewan ko ba, siguro sa sobrang kaba namin kung anu ano na lang talaga sinabi namin, na kesyo mahilig kami magbasa, mamasyal tapos may mga kaptid kaming nag-aaral. OO, ngayon ko na nga lang narealize na pakelam naman ng employer kung kaya kong makabali ng sandok gamit ang tingin lamang (uy, nainggit yan sa talent ko) at nangako na ako sa sarili ko na hindi ako mag-aasawa (kunyari emo). Pinangunahan nga lang talaga siguro ng kaba.

Speaking of kaba, sa sobrang nerbyos ko may tendency akong maging makwento, obvious ba makakapagcompile ba ako ng ganto karaming pahina kung hindi ako mahilig magkwento? Partida mahinahon pa ako nyan. Naimagine mo na kung kabado pa ako? Kaya ayun sa next part ng interview namin sinukat naman ang aming conversational skills. Medyo marami rin kaming napag-usapan ng interviewer. Mula sa ambiance ng lugar nila, pagiging tamad sa buhay, issue ng reincarnation, set up sa work, tatlong natatanging hiling, gaano ako katagal magtatrabaho, peer pressure, at iba pang mga what if scenarios, (buntong hininga) akalain ko ba namang ito ang magiging epekto ng kadaldalan ko. Pero syempre enjoy pa rin, hobby ko ang pakikipagtalastasan (yes, lalim ng tagalog ko parang bangin). Nung matapos na kami mag-usap mukha talagang inip na yung mga kapwa ko applicants. Doon ko na nga rin ulit narealize na andun pala sila.

Mahirap lang talaga pag group interview bukod sa nakakahiya ng magmukhang tanga tataas pa ang insecurities mo. Nang magsalita na nga si kuya-aplikante na may alam talaga sa ginagawa nya, at talgang mararamdaman mong competent sya sa isip, salita, gawa at pati paghinnga, tameme kami ng mga kaibigan ko. Napag-isip isip ko tuloy para kaming mga musmos na nakikipagpatintero sa kalarong sanay ng magpatawid tawid sa rumaragasang sasakyan sa edsa.

Hindi ko na natuloy ang pagninilay-nilay kong ito dahil sinabi sa amin ng interviewer na pasado kami, at bumalik na lang for final interview.

*Last task, bumalik for final interview: At hindi na nga kami bumalik.

Gulat ka? Nangyari ang desisyong ito ng umuwi na kami ng mga kaibigan ko sa tahanan namin sa malayong isla (syempre exaggeration ko lang ito). Nagferry kami pauwi. Doon kami sa may bandang likod ng ferry pumwesto, doon sa open air. Yung lugar na pag napabilis pa yung andar ng ferry malalaglag ka tapos sasabihan ka na lang ng “Ay ne, sorry sige langoy ka na lang muna ha?” Wala ka naman masyadong magagawa sa pwesto namin, wala ring masyadong ingay, medyo tahimik nga. Hay… nakakainip at nakakabagabag (ulitin ang salitang ito, mas mabils siguraduhing hindi mabubulol). Tanawin. Ang makikita mo mula sa kinauupan ko ay ang dagat, ang malaking mall, ang langit at ang iyong sarili.

Sa gitna ng katahimikan napagisip isip naming magnilay-nilay. Sabi ni BGG, katulad daw naming yung mga ampyas ng alon na likha ng motor ng ferry, habang ang mismong ferry naman ang aming mga pangarap. Tulad ng mga alon labis kaming umaasa na mahahabol naming ang aming mga pangarap. Ang mg pangarap na parang halos abot kamay mo lang, pero kapag sinubukan mo ng abutin, bigla namang dudulas palayo sa mga sariling kamay. Syempre nagshare din si MBA, sabi nya, bumalik na lang daw kami ulit sa mga kanikaniyang pantasya. At least dun ligtas kami sa mga kabiguan. Kung sabagay sa mga day dreams ko naging anak na ako ng politician at naging kaloveteam ko na rin ang isa sa Jonas Brothers. Mas madali nga talagang magtagumpay sa mga panaginip. Nanatili akong tahimik, masyado rin kasi akong abala sa sarili kong mga iniisip.

Gusto ko ang katahimikan, dahil sa katahimikan mo lang matatagpuan ang iyong sarili. Makikita mo ang iyong mga kalakasan at kahinaan. Kung minsan hindi ko rin nagugustuhan ang nakikita ko sa aking sarili. Kaya nga parang mas madali ang magpantasya na lamang. Pero isang bagay lang ang natuklasan ko, hindi sa akin sapat ang managinip lamang. Gusto kong magkaroon ng katuparan ang mga ninanais ko. Syempre alam kong medyo imposible talaga yung makaloveteam ko yung Jonas Brothers. Subalit yung mga ibang bagay gusto kong matupad iyon. Gusto ko na mangyari iyon ngayon. Nagmamadali ba ako? Siguro. Kung sakaling dumating ang panahon na yayaman na nga ako (grabe materyalosa talaga) ayokong dumating yun sa panahong mahina na ang tuhod ko, malabo na ang paningin ko at kaya na akong pigilan ng iba’t ibang sakit.

Kung sabagay sadyang nakakatawa lang talaga ang tadhana ng tao. Sa umpisa, nasa iyo ang kabataan at panahon pero wala ka namang pera. Sa huli naman nasaiyo na ang pera pero naglaho na ang kabataan at wala ka ng panahon. Ewan. Basta ang alam ko lang ikaw ang boss ng sariling mong buhay, ang script writer ng sarili mong telenobela, nasa iyo na kung paano mo idederek ang sarili mong pelikula.

Naman. At para lubusang makompleto ang pagsesenti ko, kinulayan ang langit ng isang magandang fireworks mula sa MOA. Haay.. Aliw. Tinigil ko na ang pangangarap ko tungkol sa mga bitwin dahil nakabalik na kami sa aming bayan. Nagpasya na si MBA na bumalik para sa final interview, samantalang kaming dalawa naman ni BGG ay nag-alinlangan ng ituloy ang daan patungo sa ganitong trabaho. Napag-isip ko hindi ito ang gusto kong gawin, at kahit na kikita na ako ng pera hindi ako magiging masaya. O pwede rin namang mas gusto ko lang talaga maging tambay. Makalipas nga ang ilang araw nawalan na ng isang tambay ang lipunan habang kaming dalawa naman ni BGG ay tuluyan ng hindi nakabalik sa daang iyon dahil nagkasakit ako at sya naman ay may libing na kaylangan puntahan; hindi ko alam kong tadhana ito o simpleng alibi.

No comments:

Post a Comment