Sunday, August 23, 2009

AbaLang TamBay3

Gawa-gawa kong quote #3: Ang maging masaya sa tagumpay ng kaibigan ay isang magandang katangian, subalit ang manatiling masaya para sa kanya habang ikaw ay nasa kabiguan? Dyan pare, dyan tayo magkakasubukan.

(May naisip na mas magandang quote para sa paksang ito? Salanguhitan ang nakakainis na bahagi tapos palitan ng mas magandang quote. Babala: Bawal ang ‘Time is gold.’ at ‘Love is blind’.)

Galing ako ng simbahan, at nakasabay ko dun ang kaibigan kong si BGG, may trabaho na daw sya at again may isa na namang tambay na nawala sa lipunan. Tila gumuganda na ang kapalaran ng bansa ah. Natanggap daw syang nurse sa isang hospital. At syempre masaya ako para sa kanya. Nakasalubong ko naman nung isang araw ang childhood friend ko na tatawagin kong Miss Interpret sa isang branch ng SM sa Pilipinas. At ayon nagkwentuhan kami, nagbiro ako na ilibre nya na lang ako ng pamasahe at nung somehow napapayag ko sya, best day ever! Tipid. May trabaho na rin daw sya sa isang call center company. At syempre masaya ako para sa kanya.

Habang patuloy sa pag-andar ang bus na sinasakyan namin, walang tigil naman sa pagbabaliktanaw ang aking munting isipan. Isa akong nilalalng na may kakaibang takbo ng isipan at wirdo ang mga trip. Napansin mo na ba? Hindi pa rin? Sige, balikan ang mga nakaraang pahina. Pagnilayan ang tanong na ito: Kaya ba itong isulat ng normal na isipan? Syempre kaya, lalo na kung wirdo.

Okay, back to my point. Wirdo ako. Hidi ako nagdidiary pero meron akong mga MARI: NOTES TO SELF, kung saan sinsulatan ko ang sarili ko ng mga liham pagtrip ko, at meron din akong compilation ng short bond papers na nakaclip at nakatago sa drawer. Ang compilation na ito ay may pamagat na: ANG MGA PANGARAP KONG CHORVA, kung saan nakadrawing (madalas) o nakasulat (minsan) ang mga pangarap ko in life. Higit sa lahat ang high light ng kwarto ko ay ang gawagawang corkboard mula sa styro kung saan pinagdidikit ko ang mga kung ano-anong bagay. At kamakailan lang dinikit ko dito ang aking short prayer.

Syempre ng sinulat ko ito may hang-over pa ako ng borad exam, kaya ayun gumawa ako ng short prayer at nilista ko dun ang pangalan ng mga kaclase ko. Everyday, paggising ko, as in pagmulat ng mata, bago magmumog (baka mas effective kasi kapag sobrang literal na kagigising mo lang ikaw nagpray. Mga desperado nga naman.) dinarasal ko yung gawa gawa pero sobrang I mean it po na prayer. Bawat araw, may isa akong kaclase na pinagdarasal (Alphabetical order ito ha. Walang favoritism), maliban sa sana makapasa/magtop sya, mayron akong mga prayers na gaya ng mapatino na po sana sya ng girl friend nya, sana po maisip nya na boys are friends not food, sana po maging legal na sila at maisip ng mga nagmamahal sa kanila that they are good for one another or sana po, sana po magkaroon na siya ng magandang trabaho.

At ayun na nga, masaya ako at nagkaroon ng katuparan ang ilan sa mga dasal ko, pero syempre hindi mo naman maiiwasang maikumapara ang sarili sa iba. Sabi nga ng isa sa mga kaibigan kong minsan ng nangakong gagawin akong MC sa binyag ng ikalima niyang anak: “Actually, we are contented of who we are, until we are compared.”

Stop. Bago ang lahat magkalinawan tayo, alam ko namang hindi ang dasal ko ang dahilan kung bakit may maganda ng kinabukasang naghihintay ngayon sa kanila, alam ko rin na ang lahat ng iyon ay dahil sa mga sarili nilang mga pagsusumikap. Kaya nga masaya ako para sa kanila. Hindi dahil sa may trabaho na sila, kundi dahil sa nagawa nila iyon sa pamamagitan ng mga sariling kakayahan. Para kasi sa akin ang kakayahang tustusan ang sariling mga pangangailangan ay isa sa mga kinakailangan para masabi mong, OO, this time hindi na ito pagpapangap o kunyariang pagganap lamang, dahil ngayon, ADULT NA AKO.

Kaya naman, kapag naiisip ko ang tagumpay na narating nila nalulungkot naman ako para sa sarili ko. (ito na ang moment ko para mag self pitty, walang kokontra.) Pero syempre pa, hindi rin naman nagtagal ang pagsesenti kong ito dahil alam kong ang tanging hadlang lamang tungo sa mga pangarap ko at kung nasaan ako ngayon ay ang aking sarili. (Note to self: Tamad ka kasi Mari)

Katamaran, ito lang ba ang dahilan??? (Tutunog ang malakas na ‘eng-eng’ at biglang magmamarka ng kulay pulang ekis sa ere). Sinabi ng sarili di ba? Sinisisi ko ba ang sarili ko? Hindi, masyado kong mahal ang sarili ko para gawin iyon. Ano ngayon ang gusto kong sabihin?

Para sa paglilinaw, basahin maigi ang mga sumusunod, subukang huwag malito, okay?

· Kung nasaan ka ngayon, kung saan mo gustong makarating, at ang daang tatahakin mo patungo rito, ang hadlang lamang diyan ay ang iyong sarili, sariling kahinaan, karanasan, kaisipan at paniniwala.

· Sa bawat pag-subok na darating o kahit simpleng pagkakataong makakaharap, ang maari mong maging kalaban ay ang pagdududa sa sarili. Kakayin mo nga kaya ito? Paano kong hindi mo kaya? Paano kong magkamali ka? Haharapin mo rin ang sariling takot: Takot sa bagong karanasan, sa mga gawaing hindi mo naman naksanayan.

Naantig ka bas a bullet #2???

Sige basahin ang payo ni Itay key Mari:


Mula sa iyong sariling tahahanan,

Sa Malayong Isla ng Pilipnas

Anong Petsa na?

Dear Mari,

Ang pagbabago anak sa buhay ng tao ay parang cell phone. Tanda mo nung una 5110 ang cell phone mo? Yung 5110 with the antenna and all, na naka monotone at snake lang yata ang laro doon. Black ang white pa yan, walang GPRS, walang blue tooth, walang camera, ang tanging kaligayahan lang yata dun eh pwede mong palitan ng housing, lagyan ng key chain at gawing blue ang back light. Akalian mong 5110 na lang takot ka pang gamitin.

Ganyan ang mga pagsubok at pagbabago sa buhay, parang cell phone, nakakatakot, nakakapanibago, pero pag nasubukan mo na, nagamay mo na, balewala na lang. Akala mo mahirap, yun pala kayang kaya mo naman. Kita mo nga ngayon pati cell phone ng nanay mo at kapatid mo, pinapakelaman mo. (Namamakaawa na yung isa tantanan mo na daw cp nya ha.) Pag kinompara mo yan sa totoong buhay, di maglalaon anak, ikaw pa ang maghahamon sa mga pagbabago ng “Sige, subukan mo ako.” Smiley.

Love,

Itay. tsup. (may marka ng lipstick.)

Nakalipstick ka itay???

  • Kapalaran. Tadhana. Ang mga ito ay mga kaisipan at paniniwala na sinasabing may hawak ng kinabukasan ng isang tao. Habang ang iba naman ay naniniwala na ikaw ang gumagawa ng sarili mong kapalaran. Ang sa akin naman, pwede ring both. Gawin mo ang sarili mong kapalaran tapos isipin mo na rin na tadhana mo iyon. Isipin mong sa iyo ang tagumpay, gawin mo ang lahat para dito. The next thing you know, naroon ka na sa gusto mong puntahan.

Therefore:

Kung nasaan man ako ngayon, ang kawalan ko ng hanapbuhay at ang tila pagkaipit ko sa pagitan ng mundo ng mga bata at mundo ng pagiging ganap na mamayan ng bansa ay dahil sa katotohanang wala pa akong lakas ng loob na baguhin ang ano mang nagyayari sa akin ngayon, o ang maging driver ng sarili kong buhay. Mas nasisiyahan kasi akong maging pasahero lamang at dalhin kung saan man ng agos. Muli, sinisisi ko ba ang aking sarili? HINDI. Wag mo ng masyado pang sisihin ang sarili mo, kawawa naman yan. Kung baga at the end of the day sya pa rin ang kasama mo. Tamang maging bukas ang iyong isipan sa mga maling nagawa, mga pagkukulang subalit wag kalilimutang purihin ang sarili sa mga napagtagumpayang mga pagsubok o ang magagandang katangiang taglay. (Note sa mga nega at may moments din of self pity: IMPOSIBLENG WALA KANG MAGANDANG KATANGIAN, kung yung bamboo tree nga naparangalan dahil sa maganda niyang katangian, kita mo may short story pa yan sa children’s section. Ikaw pa kaya na may rational mind? Yung pagkakaroon nga lang ng logical reasoning pogi/ganda points na, may bonus pa kung talagang pogi o maganda ka. Di ba? )

Ang huli kong alaala ay ang pagfill-up sa application form na medyo matagal na ring nasa akin at as usual… lagpas na naman ako sa dapat kong babaan. Mari talaga oh, parang adik lang. Pero ayos lang, tinignan ko ang aking katabi at ngumiti ako sa kanya. Kasi ngayon, nasabi ko sa sarili, ngayon, oo nga, talagang masaya ako para sa iyo.

*NOTHING FOLLOWS*

AbaLang TamBay2

Gawa-gawang quote #2: Ang kabutihan ng pagiging tambay, mas napupuna mo ang detalye ng mga bagay. Ang nakakalungkot nga lang, dahil sa ang pagiging tambay ay kakayahang mas gumagamit ng isipan kaysa paggawa, hindi rin kayang baguhin o punan ng tambay ang nakikitang kakulangan.

(Yes, Mari, ituloy tuloy mo lang yan, parang tunay. Konti na lang baka may mabola ka na.)

Iba talaga ang buhay tambay. Hawak mo ang oras mo, walang meeting na kaylangang puntahan, walang mga gawain na may nakakalokang deadline at walang boss o sinumang santo na kaylangang pakibagayan. Pero kung inaakala mong walang stress at pressure sa pagiging tambay, nagkakamali ka, dahil bilang isang propresyonal na tambay mayroon din kaming mga suliraning kinakaharap.

Nagkaroon ako ng pagkakataong mas tumigil sa bahay ng matagal at manoond lamang ng tv. Hindi ko lang talaga sigurado pero nawiwili akong panoorin ang mga commercials kasi lagi akong may inaabangan. Yung mga diclaimers gaya ng:

*No approve therapeutic claims/effects.

*For visible flakes only.

*If symptoms persist consult your doctor.

Minsan ba napansin mo na ang mga disclaimers na ito? Andun yan sa mga commercials, pramis kross my heart. Kung hindi yan sobrang liit na kulay puti ang font, yan yung biglang lalabas sa itim na background mga tatlong segundo bago matapos yung mismong commercial. Para saan ang mga ito? Ito ay ahm… parang paalala sa mga consumers. Na kung sakali mang hindi mo maranasan ang mabuting epekto ng isang produkto o kung sa tingin mo hindi ka sumexy, pumuti, tumangkad tulad ng inaasahan mo: Wag kang makulit pa at maginarte dyan dahil una pa lang nakalagay ng NO approved therapeutic effects. NO nga di ba, kulit neto.

Pero bakit may bumibili pa rin? Dahil tumalab nga sa iba. Dahil ang nanay ng kapitbahay ng pinsan ng lolo ng kagawad na pamangkin ng kinakapatid ng pinsang buo mo ay sinabing ang kaibigan ng ditse ng lolo ng kuya ng tiyuhin na asawa ng tatay ng pinsan ng inaanak nya ay mayroon ding ganung suliranin at ginamit ang produktong iyon, tumalab sa kanya kaya ayan gamitin mo rin. Sabay smile. Dyan kasi madalas makabenta ng produkto sa pamamagitan ng pagpapatotoo ng mga taong malapit sa iyo o mga taong sikat at kilala, kung sosyal ka maari mo yang tawaging mga testimonials.

May problema ba ako sa mga commercials na ito? Wala. Mabuti nga yung mga may disclaimers ang isang produkto, dahil kahit papaano may ideya ang isang mamimili kung hanggang saan ang kayang gawin ng produktong iyon o sa kung hangang saaan ang pananagutan nito. Kaya nga lang sana talaga nakikita ng nagmamadaling consumers ang mga disclaimers na ito. At sana nga lang talaga naiintindihan ng bawat manunuod ang ibig sabihin ng mga disclaimers na ito. Dahil wala namang problema kung bilhin ng isang tao ang bagay na maibigan niya (kaysa naman ishop-lift nya yun di ba?), lalo na kung talagang alam niya kung ano nga ang binibili niya.

Maliban sa mga commercials nag-enjoy rin akong manuod ng mga cartoons, (sobrag isip bata lang talaga, pasensya na) at saka nahilig din ako sa telenobela o telepantasya ba ‘yun? Ewan, basta may tele okay na iyan. Saka nakahiligan ko rin iyong mga koreanobela, asionobela, japanobela (?) at kung anu ano pang mga series sa t.v. mula sa ibang bansa na dinub sa tagalong na minsan pa di naman nagjijive yung dubbing sa bibig nung artista. Syempre nanunuod din ako ng mga ibang bagay na mahalaga gaya ng laban sa boxing, basket ball at balita.

Nakakatuwa lang talagang isipin, kasi hindi ba ang balita sa english ay news? Wala lang, parang pwedeng plural ng new as in bago, maraming bago. Kaya lang kung minsan ang mga balita parang hindi na bago. Ang ekonomiya, politika, relihiyon, krimen, kabutihang gawa, kung minsan ang mga ito ay parang paulit ulit na konseptong madalas talakayin ng ating lipunan. Ang masarap isipin sa mga konseptong ito lahat nakakarelate, at kapag ito na ang topic ng kwentuhan kahit abutin kayo ng madaling araw di ka pa rin mauubasan ng masasabi tungkol dito. Kung baga, wala ng pulutan at said na ang mga bote ng panulak may topic pa rin kayo.

Yung isang episode sa Mari halika magjob hunting tayo, sinamahan ako ng kaibigan ng tatay ko. Sumakay kami ng taxi, sya ang umupo katabi ng driver at sakto namang may iniinterview si kumpareng Ted sa radyo. Napag-usapan nila yung nangyayaring kaguluhan sa ibang panig ng bansa at ang posibilidad na pagdedeklara ng state of emergency. [ Wait. Magkaliwanagan tayo ha, hindi ko ididiscuss ang state of emergency dito, baka humaba pa ang usapang ito. (Payo: Subukang hanapin ito sa political books o kaya naman hanapin sa google. Okay?) ] Nakakalibang lang talaga, dahil habang pinakikinggan ko ang radyo, bigla namang nagkomento ang kaibigan ng tatay ko, at nagbigay din ng sariling ideya nya si kuya taxi driver. Nakakabilib din naman talaga ang mga pinoy dahil mula sa relasyong driver-pasahero, nagi na silang parang long time friends na nagbibigay ng kuro kuro sa topic na ito. At syempre may naiisip na naman ako, (tila lalabas ang incandescent bulb sa ere out of nowhere tapos biglang magliliwanag sabay tutunog ng “ting”)

Mag-isip. Kung meron mang kakayahang tila nahasa na sa aming mga tambay, ay yan ang kakayahang mag-isip isip at ang makita o mas maobserbahan ang detalye ng mga bagay. (Siguro kasi hindi naman kami masyadong busy in life.) Napansin ko rin ang mga tambay sa labas ng aming bahay na naguusap usap sa mga bagay na binalita sa tv at radyo. Ang porma pala kasi kahit tambay kami abala kami sa isang bagay at yun ay ang pag-iisip. Hanep parang kalevel na namin yung mga unang great thinkers ng lahi ng tao, pwede rin siguro kaming lumebel sa mga philosophers…

ILUSYONADA. Yan lang ang nasabi ng nakababata kong kapatid sa akin ng minsang shinare ko ang kaisipang nabanggit. Sinabi nya ang mga katagang ito (pramis, walang halong edit) “Ate, feeling mo si Hippocrates ka? Ano ka contemporary thinker/philosopher? Tambay ka okay tambay. May pakinabang ang lipunan noon sa mga tulad nila, pero sa panahon ngayon, kung gaganyan ka? Ewan.”

(Malalim na buntong hininga sabay tooth brush ng may buong panggigil sa mga maliliit kong ipin) Oo nga naman. Masyado ng maraming idelohiya ang lipunang ito. Marami ng libro, lathalain, babasahin, kahit nga sa internet nagkalat ng iba’t ibang mga ideya tungkol sa sari-saring bagay. Lahat nagbibigay ng payo kung pano gagawin ang alin. Siguro nga ano, may dalawang natatanging tao sa mundo, yung mga tagapagpaganap at yung mga tagapanood. Ang mga tagapanood, marahil kasama ako dyan, pinapanood ang pag-ikot ng mga tao sa mundo. Nanunuligsa, humahanga, naiinis, nanghihinayang at natutuwa sa mga desisyong ginagawa ng ibang tao. Habang ako ay nanunuod lamang may mga taong piniling ganapan ng buong tapang ang kanilan karakter. Nagkakamali, natututo at higit sa lahat may nababago.

Ang masasabi ko lang pag wala ka lang talagang masyadong ginagawa, talagang mas napupuna mo ang mga detalye ng isang suliranin, ng lipunan halimbawa. Ang mag-isip ng itutuligsa o ipupuri tungkol dito, ang kumuha ng mani at pag-usapan ang dating mga usapin, marahil mas higit na kahangahanga ang lalang na buhay na mas piniling maging tagapagpaganap. Maari ring mas kapupulutan ng aral ang mga babasahing laman ang buhay ng mga totoong tao kaysa ang mga idelohiya at kaisipan na laman halimbawa ng babasahing ito. (Note: Nagsisi ka ba at binasa mo pa ito? Sige kaya mo pa yan, malay mo naman may matutunan ka in the process.)

Sabi sa librong nabasa ko, ang pag-aasam daw ng pagbabago ay mananatiling isang kaisipan lamang o isang politikal na adhikain maliban na lamang kung may isang taong sisimulan ang pagbabago sa sarili. At ayon naman sa text message na nareceive ko ngayon lang (na, by the way mas reliable):

“…Seek to change yourself, not other people. It is easier to protect your feet with slippers than to carpet the whole world.”

Gud morning Mari ♥

AbaLang TamBay 1

Gawa-gawa kong quote #1: Ang taong natatakot sa katahimikan takot marinig ang bulong ng sariling kahinaan. (Yes, parang tunay. hahaha)

Nang mga unang araw ko bilang tambay, sobrang taas ng energy ko. Syempre excited ako sa ‘new role’ ko dito sa society. Dahil na rin sa ngayon lang ako tumigil sa bahay ng walang inaalala at iniintinding anuman, parang sinisilaban ang paa ko. Gusto kong umalis ng umalis, gumala ng gumala sa mga lugar na hindi ko pa napupuntahan. Nahilig din ako sa wantusawang marathon ng mga Korean at English series. Magbasa ng mga libro (naman, at this time walang kinalaman sa mga gamut o sakit) at syempre sobrang enjoy talaga ako kasi feelng ko nakawala ako sa kural. (Ay, ang halay parang baboy lang). Basta feeling ko malaya ako tapos tutubuan ako ng pakpak. Ang tindi talaga ng level ng energy ko kasi nakumpara ko ang sarili ko sa baboy na tinubuan ng pakpak. Hanep, taob ang X-men.

Tumagal pa ng ilang araw ang ginhawang dama ko bilang isang tambay hanggang sa nagising na lang ako sa kakaibang pakiramdam. Hindi na nagkasya sa akin yung skinny jeans ko. Cute pa naman color yellow, sobrang bagay sa morenang kulay ko. Pagsuot ko nga yun agaw atensyon talaga, ang galing kasi para akong nakahigh light among the crowd. Hindi ko alam kung ang pagsulpot ng natatangi kong fats ang dahilan kung bakit parang medyo nabawasan ang sigla ko. Pero kung ano man yun, parang mabilis akong nanawa sa mga dati kong kinagigiliwan gawin.

Syempre pa, para maibsan ang nadarama kong pagkainip at para na rin makaiwas sa gawaing bahay, nag- “MAGHAHANAP PO KAMI NG TRABAHO MODE” ako at ng ilang kaibigan, na itatago ko na lang sa mga pangalang, Big Gurl Glasses at Miss British Accent. (Tunog sosyal ba? Parehong maton yan) Hindi naman kami talaga close, pero dahil sa kapwa kami mga pinagtagpong tambay ng lipunan, ginaya naming ang karaniwang ginagawa ng tambay at nagsamasama para sa operation busy-busyhan 101.

Nagkitakita kami sa sakayan papuntang MOA, at syempre talagang nakaayos kaming tatlo. Mukha kaming kagalang galang, ginamit na rin namin yung “Opo, mag-aaply kami look”. Kaming tatlo: Magkakaiba kami ng ugali, relihiyon, pananaw sa buhay at katangiang pisikal. Lalo na sa katangiang pisikal, maliit ako at morena, si MBA naman matangkad na mas morena sa akin tapos si BGG naman matangkad na maputi. Pag pinagsamsama nga yung height at complexion naming parang kami yung tatlong unang ninunong nakarating sa pilipinas (indones, malay at ita) ☺ Sa kabila ng pagkakaiba-iba namin, meron din kaming pinagkaparehas, una ang may kapansanan naming tonsils. Pramis, pag gusto mo kaming patayin palulunin mo lang kami ng yelo tapos ng probelma mo. Ikalawa ang matinding pagnanasang yumaman, medyo social climber lang talaga ata kami.

Sa haba ng sinigit kong kewnto tungkol sa amin syempre nakarating na kami sa MOA at dun ko lang nalaman na call center agent pala ang aapllyan namin. Pero okay lang, syempre pag matagal kang naging tambay kahit anong work okay na rin.

Must do for this day:

*Maipasa ang written exam: Passed. Basic English and Math yung exam namin, okay naman, kahit papano may silbi pa pala ang utak ko maliban sa pag-deday dream. Ang mahirap na part lang para sa amin ay yung mga tanong tungkol sa computer. Siguro sa iba basic lang ito, pero para sa akin talagang umikot ang kwadrado kong mundo, malay ko ba namang may ibig sabihin pala ang usb as in U.S.B. (Para kasi sa akin ito ay pagbabagong anyo kung baga sa pokemon as in evolution lamang ng diskette. Ewan.)

*Maipasa ang initial interview: ------ Group yung interview sa amin, lima kami sa bawat batch. First time talaga naming makaranas ng job interview kaya sobrang kabado kami. Hindi ko lang sigurado kung gaano sila kakabado pero ako, parang nagbreak dance ang puso ko sa sobrang kaba. Okay lang naman sa akin ang mapahiya, para namang hindi pa ako sanay dyan. Ang ayoko lang talaga yung mapahiya ka with the live audience. Maganda yung nag-interview sa amin (By the way, mataas ang standard ko para masabing maganda ang isang tao, so maganda talaga sya) at saka masarap pakinggan ang boses nya, siguro resulta ng ilang taon nya bilang agent.

Instruction: Tell me something about yourself that you haven’t written here on your application.

Tatlong mga musmus na batang mega kwento naman about theirselves. Ewan ko ba, siguro sa sobrang kaba namin kung anu ano na lang talaga sinabi namin, na kesyo mahilig kami magbasa, mamasyal tapos may mga kaptid kaming nag-aaral. OO, ngayon ko na nga lang narealize na pakelam naman ng employer kung kaya kong makabali ng sandok gamit ang tingin lamang (uy, nainggit yan sa talent ko) at nangako na ako sa sarili ko na hindi ako mag-aasawa (kunyari emo). Pinangunahan nga lang talaga siguro ng kaba.

Speaking of kaba, sa sobrang nerbyos ko may tendency akong maging makwento, obvious ba makakapagcompile ba ako ng ganto karaming pahina kung hindi ako mahilig magkwento? Partida mahinahon pa ako nyan. Naimagine mo na kung kabado pa ako? Kaya ayun sa next part ng interview namin sinukat naman ang aming conversational skills. Medyo marami rin kaming napag-usapan ng interviewer. Mula sa ambiance ng lugar nila, pagiging tamad sa buhay, issue ng reincarnation, set up sa work, tatlong natatanging hiling, gaano ako katagal magtatrabaho, peer pressure, at iba pang mga what if scenarios, (buntong hininga) akalain ko ba namang ito ang magiging epekto ng kadaldalan ko. Pero syempre enjoy pa rin, hobby ko ang pakikipagtalastasan (yes, lalim ng tagalog ko parang bangin). Nung matapos na kami mag-usap mukha talagang inip na yung mga kapwa ko applicants. Doon ko na nga rin ulit narealize na andun pala sila.

Mahirap lang talaga pag group interview bukod sa nakakahiya ng magmukhang tanga tataas pa ang insecurities mo. Nang magsalita na nga si kuya-aplikante na may alam talaga sa ginagawa nya, at talgang mararamdaman mong competent sya sa isip, salita, gawa at pati paghinnga, tameme kami ng mga kaibigan ko. Napag-isip isip ko tuloy para kaming mga musmos na nakikipagpatintero sa kalarong sanay ng magpatawid tawid sa rumaragasang sasakyan sa edsa.

Hindi ko na natuloy ang pagninilay-nilay kong ito dahil sinabi sa amin ng interviewer na pasado kami, at bumalik na lang for final interview.

*Last task, bumalik for final interview: At hindi na nga kami bumalik.

Gulat ka? Nangyari ang desisyong ito ng umuwi na kami ng mga kaibigan ko sa tahanan namin sa malayong isla (syempre exaggeration ko lang ito). Nagferry kami pauwi. Doon kami sa may bandang likod ng ferry pumwesto, doon sa open air. Yung lugar na pag napabilis pa yung andar ng ferry malalaglag ka tapos sasabihan ka na lang ng “Ay ne, sorry sige langoy ka na lang muna ha?” Wala ka naman masyadong magagawa sa pwesto namin, wala ring masyadong ingay, medyo tahimik nga. Hay… nakakainip at nakakabagabag (ulitin ang salitang ito, mas mabils siguraduhing hindi mabubulol). Tanawin. Ang makikita mo mula sa kinauupan ko ay ang dagat, ang malaking mall, ang langit at ang iyong sarili.

Sa gitna ng katahimikan napagisip isip naming magnilay-nilay. Sabi ni BGG, katulad daw naming yung mga ampyas ng alon na likha ng motor ng ferry, habang ang mismong ferry naman ang aming mga pangarap. Tulad ng mga alon labis kaming umaasa na mahahabol naming ang aming mga pangarap. Ang mg pangarap na parang halos abot kamay mo lang, pero kapag sinubukan mo ng abutin, bigla namang dudulas palayo sa mga sariling kamay. Syempre nagshare din si MBA, sabi nya, bumalik na lang daw kami ulit sa mga kanikaniyang pantasya. At least dun ligtas kami sa mga kabiguan. Kung sabagay sa mga day dreams ko naging anak na ako ng politician at naging kaloveteam ko na rin ang isa sa Jonas Brothers. Mas madali nga talagang magtagumpay sa mga panaginip. Nanatili akong tahimik, masyado rin kasi akong abala sa sarili kong mga iniisip.

Gusto ko ang katahimikan, dahil sa katahimikan mo lang matatagpuan ang iyong sarili. Makikita mo ang iyong mga kalakasan at kahinaan. Kung minsan hindi ko rin nagugustuhan ang nakikita ko sa aking sarili. Kaya nga parang mas madali ang magpantasya na lamang. Pero isang bagay lang ang natuklasan ko, hindi sa akin sapat ang managinip lamang. Gusto kong magkaroon ng katuparan ang mga ninanais ko. Syempre alam kong medyo imposible talaga yung makaloveteam ko yung Jonas Brothers. Subalit yung mga ibang bagay gusto kong matupad iyon. Gusto ko na mangyari iyon ngayon. Nagmamadali ba ako? Siguro. Kung sakaling dumating ang panahon na yayaman na nga ako (grabe materyalosa talaga) ayokong dumating yun sa panahong mahina na ang tuhod ko, malabo na ang paningin ko at kaya na akong pigilan ng iba’t ibang sakit.

Kung sabagay sadyang nakakatawa lang talaga ang tadhana ng tao. Sa umpisa, nasa iyo ang kabataan at panahon pero wala ka namang pera. Sa huli naman nasaiyo na ang pera pero naglaho na ang kabataan at wala ka ng panahon. Ewan. Basta ang alam ko lang ikaw ang boss ng sariling mong buhay, ang script writer ng sarili mong telenobela, nasa iyo na kung paano mo idederek ang sarili mong pelikula.

Naman. At para lubusang makompleto ang pagsesenti ko, kinulayan ang langit ng isang magandang fireworks mula sa MOA. Haay.. Aliw. Tinigil ko na ang pangangarap ko tungkol sa mga bitwin dahil nakabalik na kami sa aming bayan. Nagpasya na si MBA na bumalik para sa final interview, samantalang kaming dalawa naman ni BGG ay nag-alinlangan ng ituloy ang daan patungo sa ganitong trabaho. Napag-isip ko hindi ito ang gusto kong gawin, at kahit na kikita na ako ng pera hindi ako magiging masaya. O pwede rin namang mas gusto ko lang talaga maging tambay. Makalipas nga ang ilang araw nawalan na ng isang tambay ang lipunan habang kaming dalawa naman ni BGG ay tuluyan ng hindi nakabalik sa daang iyon dahil nagkasakit ako at sya naman ay may libing na kaylangan puntahan; hindi ko alam kong tadhana ito o simpleng alibi.